Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaking nanananghalian na nahati ang katawan matapos mabagsakan ng malaking tipak ng bato habang nasa loob ng backhoe sa Tuy, Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing backhoe operator ang 34-anyos na biktima, nang mabagsakan siya ng malaking bato sa isang quarry site.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nanananghalian ang biktima sa loob ng backhoe nitong Huwebes ng tanghali nang maganap ang hindi inaasahang pangyayari.

"Lumalabas na itong biktima is nanananghalian doon sa loob ng backhoe. It so happen na yung isang malaking tipak ng bato na galing doon sa itaas na bahagi ng quarry site, gumulong directly doon sa kinalalagyan ng biktima," ayon kay Police Major Roy Cuevas, OIC,Tuy Police Station

Halos dawlang oras pa umano ang lumipas bago nakita ng kasamahan ang nangyari sa biktima.

Hinihinala ng awtoridad na maaaring lumambot ang lupa sa gilid ng bundok at mahina na ang kapit ng bato kaya ito bumagsak.

Nakipag-ugnayan na ang may-ari ng quarry site sa mga kaanak ng biktima na magmumula pa sa Zamboanga del Norte.-- FRJ, GMA Integrated News