Tatlong magkakaanak ang nasawi--kabilang ang mag-ina-- nang makulong sila sa nasusunog nilang bahay sa Binmaley, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Baybay Lopez.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Binmaley, nakita ang sunog na mga bangkay ng mga biktima sa isang kuwarto.
Hindi pa batid kung ano ang pinagmulan ng sunog pero inaalaman kung may kinalaman ang pagsusunog ng basura sa nangyaring trahedya.
"Yung iimbestigahan namin kung saan nagsimula ‘yung sunog at yung cost of damages," ayon kay FO1 Denissa Vinluan, Public Information Officer ng Binmaley Fire Station.
Tatlong katabing bahay din ang nadamay sa sunog.
Samantala, tinupok din ng apoy ang isang bahay sa Barangay Poblacion sa Bani, Pangasinan.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, faulty electrical wiring ang hinihinalang dahilan ng sunog na kaagad naapula ng mga bumbero kaya hindi na kumalat ang apoy.
Walang nasaktan sa sunog kaagad nakontrol pagkaraan ng 30 minuto.
Nasunog naman ang imbakan ng uling sa Barangay Poblacion, General Mamerto Natividad sa Nueva Ecija.
Itinapon na sigarilyong may sindi ang hinihinalang pinagmulan ng sunog.
"Yung involved is storage building siya, where in yung laman niya is uling. Para siyang naging stock room or stock area ng uling na ginagamit sa business. ‘Yung business kasi nung may-ari is ihawan," ayon kay Fire Insp. Maria Therese Padre, Acting Municipal Fire Marshal.
Walang nasaktan sa sunog pero isang motorsiklo ang nadamay.-- FRJ, GMA Integrated News