Sinalakay ng mga pulis ang isang restobar sa Silang, Cavite na ginagawa umanong front ng prostitusyon, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes.
Aabot sa 18 babae ang nailigtas ng mga otoridad habang dinampot naman ang mga tauhan ng restobar kabilang ang mga waiter at ang floor manager nito.
"Prior doon sa incident na nangyari noong gabi, naka-receive ng information ang hepe namin regarding sa illegal activities na nagaganap sa isang specific restobar dito sa San Vicente, Silang, Cavite," sabi ng imbestigador na si Police Staff Sergeant Valerie Frias.
"Doon nga po ay na-discover nila na nagkakaroon dito ng involvement ng mga babae tungkol sa prostitusyon kaya nagkasa sila ng operation," dagdag pa niya.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga na-rescue na babae. Nakatakda silang isa-isahin ng Women and Children Protection Desk para alamin ang kanilang profile.
Samantala, mahaharap naman sa reklamong human trafficking ang mga inarestong tauhan ng restobar. Hindi rin sila nagbigay ng pahayag.
Napag-alamang dati nang ipinasara ang restobar at tinanggalan ng lisensiya ngunit patuloy itong nag-operate.
"Ang paalam po kasi nila ay resto, kainan. Tapos nadiskubre na ganyan pala, mayroon silang inside job," ani Evelyn Kubol, isang social worker ng barangay.
Ayon kay Frias, batay sa panayam sa mga nailigtas na babae, matinding pangangailangan ang nagtulak sa kanila para magtrabaho sa nasabing restobar. —KBK, GMA Integrated News