Nahuli-cam ang ginawang panghoholdap sa isang babaeng naglalakad sa Angeles City, Pampanga. Ang naarestong suspek, ilang beses na nang nakulong sa kaparehong kaso.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage na naglalakad ang biktima sa Barangay Pandan noong Miyerkules ng umaga para pumasok sa trabaho.
Isang lalaki ang kasalubong niyang naglalakad, maging ang isang dumadaan na tricycle.
Nang makalampas ang babae, bumuwelta ang suspek at sinunggapan mula sa likuran ang biktima na tinutukan niya ng baril.
Kinuha ng suspek ang bag ng biktima at kumaripas ng takbo papunta sa nakaabang na tricycle.
Kaagad naman nagsumbong sa mga pulis ang biktima, at nagsagawa ng operasyon kaya nahuli ang suspek at kasabwat nito.
Nabawi rin bag ng biktima na may lamang pera, cellphone at mga ID. May nakuha ring baril sa mga suspek.
Napag-alaman na ilang beses nang nahuli at nakulong ang suspek sa kaparehong krimen.
Ipinakita sa amin yung picture ng possible suspect at agad naman naming nakilala. Yung suspek na iyon ay paulit-ulit na lang nahuhuli at nakukulong. Robbery hold-up din (ang kasi) niya at mayroong ding kasong (illega) drugs," ayon kay Police Major Alfred Andal, station commander ng Angeles city Police Station 3.
Desidido ang umano biktima na kasuhan ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News