Umani ng batikos sa netizens ang ginawang pagpatay ng isang lalaki sa isang aso sa Bato, Camarines Sur. Pero depensa ng lalaki, nag-atake ng matanda ang nakakawalang aso.
Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa CCTV na tumalon mula sa bubungan ng bahay ng kaniyang amo ang tatlong-taong-gulang na Golden Retriever na si Killua dakong 5 a.m. noong Linggo.
Ilang saglit lang, may dinambahan ang aso na dumadaang residente, na humingi ng tulong sa isang lalaking pumatay sa aso.
Maya-maya pa, makikita nang hinahabol ng lalaki ang aso, saka niya ito hinampas ng kahoy.
Patay na at nasa sako na ang kaniyang alagang aso nang hanapin at makita ni Vina Rachelle Arazas.
“Bakit nakasako?” tanong ni Arazas.
“Siyempre kasi pinatay namin kasi pasiguro kami kasi may napeperhuwisyo na,” sabi ng lalaki.
Dumagsa sa social media ang pakikiramay at panawagan ng hustisya sa kalunos-lunos na sinapit ng aso.
Depensa ng lalaki na humampas sa aso sa barangay, hindi totoo na plano niyang katayin ang aso.
“‘Yung aso, tumawid doon. Noong nakita kami, ‘yung inaano ko ‘yung matanda, bumalik. Talagang ako naman sinakmal. Buti na lang, dito lang ‘yung tama ko. Dito sa paa,” sabi ng lalaki.
“Tapos noon, ‘yung pagka ano na, pumasok ‘yun doon sa tindahan namin. Dalawa nang nakagat eh. ‘Yung matanda, ako, pati ‘yung asawa ko, kakagatin pa. Kaya po nagawa ko ‘yun,” dagdag pa niya.
Nagtungo at humarap din sa barangay ang residenteng kinagat ng aso.
Ayon kay Arazas, kahit pa nangagat, hindi ito dahilan upang brutal itong patayin.
“Itong complainant, talagang desidido na magsampa ng kaso. Kung talagang nangangagat na, kailangan hulihin muna ito, ikulong para hanapin ng may-ari,” sabi ni Kapitan Paul Vincent Espinola ng Brgy. Tres Reyes.
Batay sa Animal Welfare Act, bawal ang pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga domesticated animal tulad ng aso.
Ayon sa pulisya, maaaring mabilanggo ang sinuman ng anim na buwan hanggang isang taon, at may multang P1,000 hanggang P30,000.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News