Tatlong magkakaanak ang nagsawi, kabilang ang isang menor de edad, makaraang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Laurel, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Sta. Maria noong Linggo ng gabi.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, patungo ang tatlong biktima sa Cavite nang mawalan ng kontrol sa manibela ang rider at tumama sila sa center island.

Tumilapon ang mga biktima na wala umanong suot na helmet nang mangyari ang insidente.

Idineklara silang dead on arrival sa ospital.

"Self-accident. Mabilis ang takbo and then sumalpok sa center island. Kung kaya naman na magdahan-dahan lang [dapat] at hindi kinakailangang mabilis sa patakbo ay bakit hindi nila gawin. Iyan ho ang laging paalala natin," sabi ni Police Major Francisco LuceƱa IV, hepe ng Laurel Municipal Police Station. --FRJ, GMA Integrated News