Patay ang isang 20-anyos na estudyante matapos pagbabarilin ng isang barangay tanod sa Masbate City.

Sa ulat ni Cris Nobelo ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa GTV State of the Nation nitong Lunes, sinabing naaresto matapos ang krimen ang 27-anyos na suspek.

Ayon sa pulisya, nasa boarding house ng kaniyang mga kaklase ang biktima sa Barangay Espinosa nang mapadaan ang suspek at naingayan sa mga estudyante.

Hinihinalang lasing umano ang suspek nang sandaling iyon at napikon kaya sinita niya ang mga estudyante.

Pero nang bumaba ang biktima para mapunta sa banyo, doon na nangyari ang krimen.

"Bumaba itong biktima para mag-CR o doon sa comfort room, kaya lang nandoon pala itong suspek at inabangan pala siya kaya sinundan siya doon sa comfort room at doon na siya binaril," sabi ni Police Lieutenant Colonel Ariel Neri, hepe ng Masbate City Police Station.

Nabawi sa suspek ang isang baril na pinaniniwalang ginamit niya sa krimen. Mahaharap siya sa kasong murder.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, maging ang suspek, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News