Tadtad ng mga sugat sa mukha at katawan, natanggalan pa ng isang tenga at laman sa pige ang isang babeng dalawang-taong-gulang matapos siyang lapain ng apat na aso sa Calbiga, Samar.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing sinundan ng biktima ang kaniyang ina na pumasok sa trabaho at naligaw bago mangyari ang trahediya.
"Siguro yung bata naligaw na, napunta na doon sa farmland ng owner ng dig. Around 4:30 pm na, doon na nila na-discover sa area sa may piggery, may open field, andun na yung, maraming sugat," ayon kay Police Colonel Orlando Oloro, investigator, Calbiga Municipal Police Station.
Ayon sa ina ng bata, nanginginig siyang kinarga ang anak dahil sa takot at awa sa sinapit ng kaniyang anak.
Nangako naman ang may-ari sa mga aso na sasagutin ang pagpapagamot sa bata.
Hinihinala niya na umiiyak ang bata kaya pinuntahan ng mga aso at maaaring tumakbo hanggang sa nadapa at doon na inatake ng mga aso.
Paalala naman ng isang animal welfare group na Animal Kingdom Foundation, dapat may tali o leash ang mga aso kapag nasa labas ng bahay.
"Sa batas pa natin sa Anti-Rabies Act of 2007, dapat po i-make sure natin na ang ating mga alagang hayop ay nasa loob ng kanilang mga bahay. Nasa lamang ng kanilang bakuran. Kung sila ay lalaas, sila po ay dapat nakatali o naka-leash," sabi ni Isay Halaba, communications, AKF. -- FRJ, GMA Integrated News