Patay ang isang babae matapos siyang barilin nang malapitan at harapan ng isang lalaki sa Lipa City, Batangas. Ang suspek, lumilitaw na kagawad ng barangay.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Lipa City, Batangas nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen noong Sabado sa Barangay Pag-Olingin West.
Sa kuha ng CCTV camera, makikitang naglalakad ang biktima nang salubungin siya ng suspek na nakasuot ng helmet at bigla na lang binaril.
Nakalakad pa palayo ang biktima pero bumagsak din at muling binaril ng suspek.
Matapos gawin ang krimen, sumakay ang suspek sa e-bike at umalis. Ngunit bago mangyari ang pamamaril, nakita ang suspek na dumating sakay ng motorsiklo.
Ayon kay Police Captain Ricardo Cuevas, Chief Operations Officer ng Lipa City Police Station, nakausap na nila ang rider ng motorsiklo na sinakyan ng suspek, at maging ang nagmaneho ng e-bike.
Natukoy ng mga awtoridad na barangay kagawad ng Barangay Pag-Olingin East ang suspek.
"Nakausap namin ‘yung driver ng motorsiklo na sinakyan niya noong papunta doon sa lugar ganoon din po ‘yung sinakyan niya na e-bike after ng pamamaril. So accordingly nga po [sa kanila], ito ay yung barangay official. Pag-Olingin West po nangyari [yung pamamaril] pero ‘yun pong ating suspek ay from Pag-Olingin East," ayon kay Cuevas.
Hinihinala ng mga awtoridad na mistaken identity ang nangyaring krimen dahil hindi residente sa lugar ang biktima.
"Considering na itong victim is hindi naman talaga taga-roon, actually, parang naligaw lang po siya doon sa area. Wala naman po talagang reason para gawin ng suspek 'yung pamamaril sa biktima kasi hindi naman talaga personally kilala nu'ng suspect yung victim, at noon lang po nakapunta doon yung victim," paliwanag ni Cuevas.
Patuloy na hinahanap ng pulisya ang suspek, at nakikipag-usap din sila sa pamilya nito para hikayating sumuko na.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News