Sugatan ang isang pulis na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib nang aksidenteng pumutok ang kaniyang baril na nakalagay sa sling bag at nakaipit sa kaniyang kilikili sa Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nakatalaga sa Batangas Police Provincial Office ang 34-anyos na pulis na may ranggong Staff Sergeant.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nakaipit sa kilikili ng biktima ang kaniyang sling bag at nasa loob nito ang kaniyang service firearm na 9mm na baril.

May pupulutin umano na isa pang bag na nalaglag ang biktima nang bigla na lang pumutok ang kaniyang baril.

"Itong ating subject person ay nasa process ng pakikipag-transaction sa swapping ng kanilang sasakyan. So, after transaction, nag-aayos na sila. Inililipat niya na iyong mga gamit niya from doon sa lumang sasakyan niya, papunta doon sa bagong sasakyan, it so happened na nahulog yung isang sling bag, pupulutin niya na iyon since nakalagay sa kilikili 'yung (isang bag) na for unknown reason pumutok na lang," ayon kay Police Captain Ricardo Cuevas, Chief Investigator ng Lipa City Police Station.

Isinugod ang biktima sa ospital at patuloy na nagpapagaling.

Ayon kay Cuevas, posibleng may gamit sa loob ng bag na maaaring nakatama sa gatilyo ng baril kaya pumutok.

"Siguro dahil may kasamang mga wallet or different ID's ‘yung laman ng bag tapos may iisa lang siyang compartment, possible na na-hit niya ‘yung trigger o ng anumang bagay na nandoon, kaya nag-cause siyang pumutok," paliwanag ni Cuevas.

Kaya naman nagpaalala si Cuevas sa mga kapuwa niya pulis na laging pag-iingatan ang kanilang baril kahit pa nasa bag.

"Alam naman na natin ang mga basic rules na kailangan nating tandaan para maging safe… siguro paalala na lang na kung ito ay isang sling bag, dapat wala siyang ibang kasama lalo na 'yung mga medyo maliliit na bagay na pwedeng lumusot doon sa trigger na puwedeng mag-cause ng pagputok. Kung mayroon tayo nung belt bag, mas maganda po," payo ni Cuevas. --FRJ, GMA Integrated News