Tatlong establisimyento at isang automated teller machine (ATM) na nasa loob ng isang mall sa Zamboanga City ang pinuntirya ng apat na kawatan. Ang mga suspek, pinaniniwalaang dumaan sa binutas na sahig sa grocery store.

Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, nahagip ng CCTV camera sa loob ng mall ang apat na suspek na may takip sa kanilang mukha at may bitbit na mga bag.

Tinatayang nasa P2 milyong halaga ng pera at alahas ang nakuha nila. Wasak din ang isang ATM na nasa loob ng mall.

Nadiskubre ng mga empleyado ng tatlong establisimyento na napagnakawan sila nang makita nilang nagkalat na ang mga gamit sa loob ng kanilang tindahan noong Miyerkules ng umaga.

Nakita naman ng mga awtoridad ang butas sa grocery store na nakakonekta sa drainage na pinaniniwalaang dinaanan ng mga salarin.

“Kung makikita natin ang way of entry nila, talagang may mga araw po ang nakalaan para makapasok. Apat ang suspek. We study all angles when it comes to this kind of case,” sabi ni Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9) Spokesperson, Leiutenant Colonel Helen Galvez.

Sinusuri na rin ng mga awtoridad ang iba pang video footages sa mga CCTV camera sa mall.

“On the kind of modus operandi, masasabi natin na first time sa Zamboanga City. Nagpadala na ng supervising team from the Regional Investigation Management Division para matingnan na ang imbestigasyon. Ongoing ang investigations natin doon sa mga available na CCTV footage na nakuha natin,” sabi ni Galvez.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamunuan ng mall kaugnay sa nangyaring nakawan.-- FRJ, GMA Integrated News