Patay na nang matagpuan sa garahe ng isang bahay ang isang babaeng siyam na taong gulang sa Guagua, Pampanga. Ang biktima, sinakal, binugbog at ginahasa.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen sa bahay ng 50-anyos na suspek sa Barangay Sto. Cristo.

Sa kuha ng CCTV camera noong gabi ng Linggo, nakita ang biktima na naglalakad papunta sa bahay ng kaniyang mga magulang para humingi ng baon. Napag-alaman na nakatira ang bata sa bahay ng kaniyang tiyahin.

Pero pagtapat umano sa bahay ng suspek, napansin sa CCTV na may tumawag sa biktima.

"So pagdaan po ng bata, nakita sa CCTV [na] may tumawag doon sa portion kung saan nangyari yung krimen. Tinawag yung bata, pumasok [yung bata] then hindi na siya lumabas… 'yon yung last na kita sa bata nung time na 'yon. Doon mismo sa garahe ng suspek natin," ayon kay Police Lieutenant Colonel Arnel Sagun, hepe ng Guagua Police Station.

Sinabi pa ni Sagun na batay sa impormasyon mula sa barangay, may mga dati na rin umanong insidente na nasangkot ang suspek sa pambabatos sa mga babae, at gumagamit din umano ng ilegal na droga.

"Yun yung balita sa barangay, talagang, hindi lang yung bata. may mga ibang kababaihan talagang pinipituhan, tinatawagan. Talagang gumagamit siya ng ipinagbabawal na droga," pahayag pa ng opisyal.

Naaresto ang suspek na bagaman inamin na gumagamit siya ng ilegal na droga, itinanggi naman niya ang akusasyon na siya ang pumatay sa bata.

"Gumagamit din po kaya lang hindi naman po na ganun na aanuhin ko po ang anak. Unexpected na mangyayari po sakin iyon. Pasensya na po sa mga nangyayari," sabi ng suspek.

Sa kabila nila, sasampahan ng patong-patong na reklamo ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News