Nagkarambulan ang mga guwardiya at mga tricycle driver sa harap ng isang mall nang dahil umano sa parking ng mga tricycle sa Zamboanga City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, makikita na nanutok pa ng bolo ang isa sa mga sangkot sa ilang nakasaksi sa insidente.

Sinipa rin niya ang isang barikada.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na nag-ugat ang gulo sa pagparada ng mga tricycle sa labas ng mall.

Naalarma naman ang mga opisyal ng lungsod sa lalaking naglabas ng bolo kaya ipinatawag nila ang mga leader ng tricycle association sa lugar upang hindi na maulit ang insidente.

Sinusubukan pang makuha ang panig ng pamunuan ng mall.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga sangkot na security guard, at kasalukuyang hinahanap ang iba pang kasali sa rambol. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News