Anim na tao ang nasawi sa magkahiwalay na sunog na naganap sa Tanza, Cavite, at Dipolog City. Kabilang sa mga nasawi ang isang sanggol na wala pang isang linggo ang edad.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing apat na magkakaanak ang nasawi sa sunog na naganap sa Barangay Biwas sa bayan ng Tanza sa Cavite.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nakulong sa nasusunog nilang bahay ang mga biktima. Isang kaanak din nila ang sugatan.
Limang bahay ang tinupok ng apoy, at inaalam pa ang pinagmulan ng sunog.
Sa Barangay Sicayab sa Dipolog City, nasawi ang isang 17-anyos na ginang at ang kaniyang sanggol na anim na araw pa lang niyang isinisilang.
Ayon sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV, lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na natutulog ang mag-ina nang sumiklab ang sunog at hindi na sila nakalabas ng kanilang bahay na gawa sa light materials.
Wala umano sa bahay ang padre de pamilya nang mangyari ang sunog.
Hinihinala na ang may sinding gasera ang pinagmulan ng sunog.-- FRJ, GMA Integrated News