Burmese python at hindi reticulated python ang dambuhalang sawa na hinahanap sa Calasiao, Pangasinan, batay sa pagsusuri ng eksperto sa pinagbalatan nito.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing tumulong na rin sa pag-iimbestiga ang City Environment & Natural Resources Office (CENRO)-Central Pangasinan, kaugnay sa kinatatakutang dambuhalang sawa na pinapangambahang nagtatago sa masukal at kakahuyan na lugar sa Barangay Bued.
BASAHIN: Hinahanap na sawa sa Calasiao, Pangasinan, posibleng higit 20 ft. ang haba
Nag-ugat ang pangamba ng mga residente nang makakita sila ng pinagbalatan ng dambuhalang ahas na pinaniniwalaan na aabot sa 25 talampakan ang haba.
Hinala ng ilang snake hunter, reticulated python ang sawa na kanilang hinahanap.
Pero batay umano sa disenyo o pattern ng pinagbalatan ng ahas, hinihinala na isa itong Burmese python.
Paliwanag ni Philip Matthew Licop ng CENRO-Central Pangasinan, hindi buo kung magbalat ang reticulated python, hindi katulad ng Burmese python na buo na natatanggal tulad nang nakita ng mga residente.
Malaki rin umano ang posibilidad na alaga ang sawa na maayos na napapakain dahil malusog ito batay sa kondisyon ng pinagbalatan.
"Baka isa siyang pet na nakawala," ani Licop.
Sinabi rin ni Licop na hindi gaya ng reticulated na nagtatago kapag may tao, ang Burmese phyton ay hindi umano takot sa tao.
Patuloy na ginagalugad ng mga snake hunter sa masukal na lugar na may mga puno ng kawayan at may ilog na pinaniniwalaan na pinagtataguan ng sawa.
Ayon sa awtoridad, dapat alamin na rin ng barangay kung may mga residente sila na nag-aalaga ng hayop na hindi nakarehistro.
Sa hiwalay na ulat ni Russel Simorio, sinabing nasa 20 snake hunter umano ang nagtungo sa barangay para tumulong sa paghahanap sa sawa, batay sa impormasyon mula sa lokal na pamahalaan.
Nababahala naman dito ang DENR dahil nabubulabog ang natural na tirahan ng mga hayop at baka makaapekto ito sa ecosystem ng lugar.
Sa ikatlong araw ng paghahanap sa dambuhalang sawa, apat na ahas na umano ang nahuli, na ang isa ay may haba na 10 talampakan.
Pinulong na rin ng mga awtoridad ang mga residente sa lugar mabigyan sila ng mga impormasyon, kabilang na ang dapat gawin kapag natuklaw ng ahas.
Pinag-iingat din ang mga residente dahil sa panahong ito naglalabasan ang mga ahas, at posibleng maging agresibo dahil breeding season din ngayon.-- FRJ, GMA Integrated News