Nagwakas ang buhay ng isang 19-anyos na estudyante lalaki matapos siyang mabangga ng isang bus habang tumatawid sa Sto. Tomas City, Batangas. Ang biktima, pupuntahan sana ang kaniyang lola na nagtitinda ng balut.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay San Rafael dakong 6:00 pm noong Lunes.
Ayon kay Police Captain Ponciano Ebora Jr., operation officer ng Sto. Tomas City Police Station, patawid ang biktima para puntahan ang kaniyang lola na nagtitinda ng balut.
"Nagkausap po sila noon na siya muna ang hahalili sa kaniyang lola upang magtinda," sabi ni Ebora.
Dinala sa ospital ang biktima pero idineklara siya ng doktor na dead on arrival.
Galing umano sa Calamba sa Laguna ang bus at patungo sa Sto Tomas City proper nang mangyari ang aksidente.
Ayon kay Ebora, hindi naman sobrang bilis ang takbo ng bus dahil daanan ng maraming sasakyan ang lugar.
Nagkausap na rin umano ang pamilya ng biktima at ang driver ng bus. Nagbigay din umano ng tulong ang kompanya ng bus.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at ang driver ng bus, ayon sa ulat.