Isang ulo ng tao ang nakita ng mga kabataang nanghuhuli ng isda sa isang creek sa Carmona, Cavite. Hinala ng mga awtoridad, posibleng ulo ito ng isang bangkay na unang natagpuan na pugot at may tattoo na dragon sa katawan.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakita ang naagnas na ulo sa Barangay Cabilang Baybay.
Aalamin ng mga awtoridad kung ang ulo ay mula sa bangkay na nakita sa kalapit na Barangay Lantic sa Carmona noong Pebrero 17.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jefferson Ison, hepe ng Carmona Police Station, may tama ng bala na nakita sa likod ng ulo at tumagos sa harapan.
"Binaril muna siya bago siya pinutulan ng ulo," ayon sa opisyal.
Kinunan na ng DNA sample ang ulo para ikumpara sa bangkay, at maging sa posibleng kaanak ng biktima.
Hinihinala rin ng mga awtoridad na dayuhan ang biktima na may mataas na posisyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nawawala sa Makati noong Enero.
Maaari umanong maging susi ito para matunton ang mga suspek, bagaman mayroon na silang person of interest sa kaso.
Magsasagawa rin ng backtracking ang mga awtoridad sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV camera.
“Malaking tulong pagkakatuklas ng ulo if ever na yun po sa ay sa decapitated cadaver. Hindi pa ma-confirm pero doon sa person of interest na sinusundan namin dalawa ang tinitingnan namin [motibo] yung greed or galit dun sa tao,” paliwanag ni Ison.-- FRJ, GMA Integrated News