Patay na nang matagpuan ang isang babaeng walong-taong-gulang na unang iniulat na nawawala sa Maragusan, Davao de Oro.
Sa ulat ni Francis Timbal ng Super Radyo Davao sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing Linggo nang magpaalam ang biktima na aalis sandali pero hindi na siya nakauwi.
Kaya naman iniulat na ng mga magulang sa awtoridad na nawawala ang kanilang anak nitong Lunes.
Ayon kay Police Major Ariel Pascual, hepe ng Maragusan Municipal Police Station, dakong 2:00 pm nito ring Lunes nang matagpuan ang bangkay ng bata sa sagingan sa Barangay Magcagong.
8-taong gulang na babae, natagpuang patay sa taniman ng saging sa bahagi ng Brgy. Magcagong sa Maragusan, Davao de Oro. | via Francis Timbal, Super Radyo Davao pic.twitter.com/IFS9r6dIEG
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 27, 2024
Isang lalaki ang dinakip na umano'y nakita na huling kasama ng biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon para alamin kung pinagsamantalahan ang biktima.-- FRJ, GMA Integrated News