UNISAN, Quezon - Isang juvenile spotted dolphin ang nasagip ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Ilayang Calilayan sa Unisan, Quezon noong Pebrero 14.
Sinubukan daw itong itaboy at dalhin sa malalim na parte ng dagat subalit bumabalik pa rin sa shoreline.
Nanghihina at may mga sugat ang dolphin nang matagpuan.
Nagtulong-tulong ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Unisan at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na kunin ang dolphin upang masuri.
Sa tulong ng Philippine Marine Mammal Stranding Network (PMMSN) ay maingat ngayong inaalagaan sa hatchery ng local government unit (LGU) ng Unisan ang dolphin upang gamutin ito at palakasin. Layunin nila na maibalik ang dolphin sa karagatan kapag maayos na ang kalusugan.
Ayon kay Prof. Lem Aragones ng PMMSN, biktima ng dynamite fishing sa lugar ang dolphin. Posibleng napasabugan daw ito na naging dahilan ng malubhang pagkakasakit.
Sa ilang araw na pananatili ng dolphin sa pasilidad ay malaki na ang improvement nito. Malaki raw ang tsansa na makaligtas o mabuhay ang dolphin.
Minomonitor ang dolphin 24/7. Maingat at tinitiyak na hindi masasaktan o mai-stress ang dolphin tuwing sinusuri at tinitimbang ito.
Mahalaga raw ang ganitong gawain na masalba ang dolphin sapagkat vulnerable ang mga ito. Hindi sila dumadami tulad ng karaniwang isda na kayang mangitlog o magparami.
Ayon sa LGU Unisan, ang dynamite fishing sa kanilang lugar ay gawain ng ilang mangingisda na dumadayo lang sa kanilang lugar. Patuloy raw ang kanilang kampanya laban sa mga ito.
Hindi pa matiyak ng BFAR at PMMSN kung kailan maaaring ibalik sa dagat ang dolphin. —KG, GMA Integrated News