Nauwi sa trahedya ang birthday celebration ng mga magkakaanak sa General Santos City nang mahulog sa ginagawang kanal ang sinasakyan nilang pickup truck habang papauwi na sa South Cotabato. Dalawa ang nasawi, at 14 na iba pa ang sugatan.
Sa ulat ni Jerwen Paglinawan ng Super Radyo General Santos nitong Lunes, sinabing nangyari ang aksidente sa diversion road sa Barangay Apopong, nitong Linggo ng hapon.
Batay sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit (TEU) General Santos, nakatulog umano ang driver ng pickup truck na dahilan para mahulog ang sasakyan sa kanal.
WATCH: Dalawang tao, patay; 14 na iba pa, sugatan matapos mahulog ang sinasakyan nilang pickup truck sa isang ginagawang kanal sa bahagi ng diversion road sa Brgy. Apopong, General Santos City. | via Jerwen Paglinawan, Super Radyo General Santos pic.twitter.com/aNw981VEqP
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 26, 2024
Magkakamag-anak umano ang sakay ng pickup na nagdiwang ng kaarawan sa isang beach sa Glan, Sarangani.
Pauwi na sila sa Tampakan sa South Cotabato nang mangyari ang trahediya.
Kabilang sa nakaligtas ang driver at isang sanggol.
Nagpaalala naman ang awtoridad sa mga motorista na tiyaking nasa maayos silang kondisyon kapag bumiyahe, at may sapat na pahinga ang driver para makaiwas sa sakuna.—FRJ, GMA Integrated News