Tatlo ang nasawi, kabilang ang punong barangay, sa nangyaring pag-atake ng apat na suspek sa isang barangay hall sa San Isidro, Leyte.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na nangyari ang insidente sa Barangay Daja Diot, nitong Sabado.
Kabilang sa mga nasawi si Elizalde Tabon, chairman ng barangay, pati na ang isang kagawad.
“There were four unidentified persons riding two motorcycles, ito ang iniimbestigahan natin ngayon,” ani Acorda.
Sa pahayag ng Leyte Provincial Police, sinabing may pulong sa barangay hall noong Sabado ng gabi nang mangyari ang pamamaril.
Patuloy na tinutugis at inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin. Pati na rin ang posibleng motibo sa krimen.
“We have enhanced our patrol efforts, established 24-hour checkpoints, and implemented measures to heighten visibility and police presence,” ayon sa Leyte police.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News