Nasawi ang isang rider matapos matumba ang sinasakyan niyang motorsiklo papunta sa gilid ng truck na dahilan para siya magulungan sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente kaninang umaga sa Cebu South Coastal Road (CSCR) sa Barangay Dumlog.

Ayon sa City of Talisay Traffic Operations Development Authority (CT-TODA),  lumitaw na parehong direksyon ang tinatahak ng 27-anyos na rider, at ang truck na minamaneho ni Ondo Kilme, 44-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na nauuna ang truck at sumingit ang motorsiklo sa kanang bahagi nito. Pero biglang natumba ang motorsiklo at bumagsak ang rider papunta sa gilid ng truck na dahilan para magulungan ang rider at nasawi.

Humingi ng patawad si Kilme sa mga kaanak ng rider at sinabing hindi niya kaagad nakita ang biktima.

Nakatakdang mag-usap ang pamilya ng rider at ang truck driver na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. -- FRJ, GMA Integrated News