Matapos ang mahigit dalawang buwang pagtatago, timbog sa Bacoor, Cavite ang isang mangingisda na wanted matapos tangkang patayin ang kaniyang kapitbahay na ninakawan siya umano sa San Mateo, Rizal.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nahanap ng Quezon City Police District ang 33-anyos na suspek na may warrant of arrest para sa kasong attempted murder.

Nobyembre noong nakaraang taon nang mangyari ang krimen sa San Mateo, kung saan sugatan ang kapitbahay ng lalaki.

Ayon sa pulisya, nagawa ng suspek ang krimen matapos siyang nakawan ng biktima ng P1,500.

Ngunit tumanggi ang suspek na nagtago siya, at wala rin siyang alam na may warrant laban sa kaniya.

Gayunman, inamin niyang sinaksak niya ang kaniyang kapitbahay.

“Ninakawan po ako noong time na ‘yun. Tapos ilang linggo ko siyang pinagbibigyan ako kahit pakonti-konti, hindi niya ako binayaran,” sabi ng suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News