Nasawi ang isang babae matapos siyang mabangga ng isang motorsiklo na mabilis ang takbo habang tumatawid sa Batangas City nitong Lunes ng madaling araw.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, makikita sa CCTV camera sa Barangay Alangilan dakong 5:30 am, na nakatayo sa gilid ng kalsada ang 57-anyos na biktima na mayroong bitbit at hinihintay na makadaan ang mga sasakyan.

Nang makakuha ng tiyempo, tumawid na ang biktima. Halos malapit na siya sa gitna ng kalsada nang sumulpot ang motorsiklo at nabangga ang biktima.

Ayon kay Police Lieutenant Ragemer Hermidilla, Chief Investigator, Batangas City Police, mabilis ang takbo ng motorsiklo at tumilapon ang biktima ng 10 metro.

Kuwento ng mister ng biktima, umalis ang kaniyang asawa para mamili ng isda na ibebenta nang mangyari ang trahedya.

Sinabi naman ng pulisya at kinumpirma rin ng mister ng biktima na nagkaroon na ng pag-uusap  sa magkabilang panig.--FRJ, GMA Integrated News