Nasawi ang isang 12-anyos na lalaki matapos siyang mahulog sa balon sa pagnanais na kunin sa loob nito ang isang patay na pusa sa Jolo, Sulu. Ang isang lalaki na nagtangka namang sagipin ang bata, nasawi rin.
Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Lunes, sinabing may lalim na 125 talampakan ang balon na pinagkukunan ng tubig sa mga residente sa isang compound sa Barangay Alat.
Nakuha ang katawan ng bata na si Bensar Ismael, Grade 7 student, noong February 17, 2024, o halos tatlong araw mula nang mahulog siya.
Nagtulong-tulong ang mga compressor diver, Armed Forces of the Philippines (AFP) Special Forces Divers, at miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Special Rescue Unit, para makuha ang katawan ng bata.
Ayon sa awtoridad, hindi naging madali ang pagkuha sa katawan ng bata dahil bukod sa lalim, maliit ang lagusan sa ibaba. Malaki rin ang peligro ng suffocation, na ikinasawi ng 37-anyos na si Alhadi Absari, na tinangkang sagipin ang bata.
“Yung nangyari kasi doon sa pag-rescue, pagdating namin, sinubukan kong bumababa. Pagbaba ko parang may mga gas na malalanghap doon. Sa tingin ko, na-suffocate muna bago sila nahulog mismo sa may tubig kasi hindi ka naman didiretso doon sa tubig may parang sasabit ka muna doon bago ka mahulog sa tubig,” ayon kay SF02 Mohaimin Jamaluddin, BFP-Sulu Provincial Operation Branch.
Batay sa kuwento ng pamilya, sinabi ni Jamaluddin, na sadya umanong mahilig magsagip ng mga hayop ang bata.
Nagkaloob naman ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng bata at kay Absari.-- FRJ, GMA Integrated News