Sugatan ang isang 11-anyos na estudyante sa Midsayap, Cotabato matapos habulin ang nagnakaw sa kanyang cellphone.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa 24 Oras Weekend nitong Linggo, galing sa paaralan ang biktima nang mahablutan ng salaring de-motorsiklo.

Hindi na nakuha ng biktima ang mga ninakaw sa kanya. 

May persons of interest na raw ang pulisya.

Sa ibang balita, patay matapos ma-hit and run ang isang rider sa Concepcion, Tarlac.

Malalang sugat ang tinamo ng biktimang isinugod pa sa ospital pero nasawi rin kalaunan. 

Hinahanap pa ang nakabangga.  

Sa Cagayan de Oro City naman, patay ang isang tricycle driver matapos pagsaksakin ng sariling kaibigan.

Dead on arrival sa ospital ang 50-anyos na biktima. Naaresto ang suspek sa hot pursuit operation. 

Ayon sa pulisya, selos ang posibleng ugat sa krimen. Nahaharap sa reklamong murder ang suspek, pero giit niya na self-defense ang kanyang ginawa dahil pinalo umano siya ng tubo ng biktima.

At sa Bauan, Batangas, patay ang isang rider matapos sumalpok ang motorsiklo nito sa sinusundang truck.

Sugatan naman ang angkas niyang babae. 

Ayon sa pulisya, mabilis ang pagtakbo ng rider na nakainom umano. Bukod sa walang lisensya, hindi rin naka-helmet ang mga biktima. — BM, GMA Integrated News