Patay na at may mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan nang matagpuan ang walong alagang kambing sa Barili, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabi ni Dolorosa Panugan na iniwan niya noong Martes ng hapon ang walo niyang kambing sa bulubundukin ng Sitio Allen, Barangay Mantalongon.

Pero nang balikan ang mga ito, nakita na patay na ang mga kambing, may mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan, at ang iba ay butas ang tiyan.

Hinihinala na mga asong-gala sa lugar ang nasa likod ng naturang pag-atake sa mga kambing batay na rin sa marka ng mga sugat nito.

Nanawagan si Dolorosa sa lokal na pamahalaan na matulungan siya dahil aabot sa P20,000 ang halaga ng walong kambing.

Noong nakaraang Enero, 14 na kambing din ang natagpuang patay at may mga kagat na pinaniniwalaang gawa ng mga aso sa Buenavista, Zamboanga City.

May katulad na insidente rin na nangyari sa San Juan, Abra noong Enero din na apat na alagang kambing naman ang namatay.-- FRJ, GMA Integrated News