Nasawi ang isang ginang matapos siyang pagtatagain ng kaniyang asawa nang dahil umano sa selos sa Iloilo City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-away ang biktimang si Emilyn Lasa at kaniyang mister na si Domingo bago mag-Valentine’s Day.

Humantong ito sa komprontasyon at kalaunan, pinagtataga na ni Domingo si Emilyn sa isang bakanteng lote malapit sa kanilang bahay.

Arestado ang suspek na umaming selos ang pinagmulan ng kanilang away.

“Ano ba ang tingin niya sa akin, manhid na lalaki? ‘Yan nga ang sinasabi nila na ang salop, wala ka nang magagawa,” anang suspek.

Iginiit ng ina ng biktima na hindi magagawa ng anak na maghanap ng ibang lalaki. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News