Patay ang isang babaeng pedestrian na maingat pang tumawid matapos masalpok ng humaharurot na motorsiklo sa isang kalsada sa Bauan, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Balitanghali, mapapanood sa kuha ng CCTV ang pagtawid ng mga biktima sa pedestrian lane sa Barangay Balayong.

Lumingon pa sa kaliwa at kanan ang dalawa para matiyak na walang sasakyan.

Saglit pa, huminto sila saglit para palagpasin ang paparating na motorsiklo.

Gayunman, biglang sumulpot ang isa pang motorsiklo at nasalpok ang mga pedestrian kaya tumilapon sila at ang rider.

Dead on the spot ang isa sa mga tumatawid.

Sinabi ng Bauan Police na mabilis ang takbo ng nakabanggang motorsiklo sa palusong na kalsada.

Dinakip na at nahaharap sa karampatang reklamo ang rider, na sinisikap pang kunan ng pahayag. â€”Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News