Patay na nang matagpuan ang isang 14-anyos na babae na nakipagkita umano sa kaniyang boyfriend sa Davao City. Ang biktima, tumawag pa raw sa kapatid at humihingi ng tulong.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nakita ang katawan ng biktima na may sugat sa ulo sa isang bakanteng lote sa Barangay Bato kaninang hatinggabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na bago makita ang bangkay ng biktima, nakita sa CCTV camera ang dalagita sa labas ng isang establisimyento na may kasamang lalaki.

Naging suspek ang boyfriend ng biktima na kinalaunan ay dinakip sa follow-up operation at umamin umano sa krimen.

Sinabi umano ng suspek na hinampas niya ng bato ang biktima. Inaahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa kaniya.-- FRJ, GMA Integrated News