Lumabas ng mga gusali ang mga tao matapos maramdaman ang pagyanig ng magnitude 5.4 na lindol sa Ilocos Norte.
Sa ulat ni Gab De Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang pagyanig kaninang tanghali.
Sa isang pet shop, makikita ang pagtakbo palabas ang mga tao nang gumalaw at halos matapon ang tubig sa mga aquarium sa lakas ng pag-uga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tectonic ang origin ng lindol, na naitala ang epicenter sa 16 kilometer mula sa hilagang kanluran ng Pagudpud, Ilocos Norte.
Naramdaman din ang pagyanig sa iba pang bahagi ng Region 1 at Region 2.
Wala namang naitalang nasaktan at napinsala sa nangyaring lindol ang Disaster Risk Reduction & Management Office (DRRMO) ng Ilocos Norte, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News