Nasawi ang isang 28-anyos na rider matapos na sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na kotse sa Cabugao, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang nasawi na si Jake Bactad, na tumilapon sa lakas ng pagkakabangga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-overtake umano ang rider sa sinusundang sasakyan sa national highway, at natiyempo naman ang pagdating kotse kung saan siya tumama.

Nagtamo siya ng matinding pinsala sa katawan at pumanaw sa ospital.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang driver ng kotse na nakipag-usap na sa pamilya ng nasawing rider.

Ayon sa ulat, lumalabas din sa imbestigasyon ng pulisya na nakainom umano ang rider.

Sa Candon City sa Ilocos Sur pa rin, dalawang rider naman ang nagbanggaan at lumalabas din sa imbestigasyon na parehong nakainom.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang motorsiklo na papasok sa national highway nang mabangga siya ng isa pang motorsiklo.

Parehong nagtamo ng sugat ang dalawang rider na dinala sa ospital at nakaligtas.-- FRJ, GMA Integrated News