Isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at isang drug suspect ang nasawi nang mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation sa General Santos City.
Sa ulat ni Abbey Caballero sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, sinabing ikinasa ng mga awtoridad ang operasyon laban sa drug suspect na si Pablito Polancos, 39-anyos, sa Barangay Labangan nitog Sabado ng madaling araw.
Nagpositibo ang operasyon pero binaril umano ni Polancos at napatay ang PDEA agent. Gumanti naman ng putok ang mga operatiba na ikinamatay din ng suspek.
“Nanlaban at natamaan ang ating operative o agent ng PDEA of course nung retaliation, napatay din natin ang suspek,” sabi ni Police Colonel Nicomedes Olaivar Jr., Director, General Santos City Police Office.
Napag-alaman na nasa drug watchlist pareho ng pulisya at PDEA si Polancos.
Sa Facebook post, inihayag ng PDEA ang kanilang pagluluksa sa pagkasawi ng kanilang kasamahan na si Agent Raymund Parama, Assistant Provincial Officer ng PDEA Regional Office XII-Sarangani-Gensan.
"The PDEA honors the heroism of Agent Parama who will be remembered as a shining example of bravery, nobility of spirit, and dedication to his sworn duty," saad ng PDEA sa pahayag.
Ang ina ng suspek, sinabing hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa kaniyang anak. --FRJ, GMA Integrated News