Nahukay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kabundukan ng Libon, Albay ang tatlong kalansay na kinabibilangan ng dalawang bata. Ang mga biktima, pinaniniwalaang biktima ng Concepcion Criminal Group.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Martes, sinabing nahukay ang mga kalansay sa Sitio Tagbac, Barangay Macabugos sa bayan ng Libon nitong Lunes.
Hinihinala na ang mga kalansay ay mga labi nina Eugene Sasota, 40-anyos, ang adopted child na si John Paul Sasota, 11; at Zyruz Arabis.
Batay umano sa impormasyon ng mga impormante, ang tatlo ay tinangay ng grupo ni Gilbert Concepcion sa kabundukan, at iniulat na nawawala mula pa noong December 27, 2022.
Ayon sa NBI, may butas sa mga bungo ng mga biktima.
"Separated po 'yung mga bungo nila at may mga butas po. Kami po ang nag-gather piece by piece, isa-isa lahat na mga kalansay doon," ayon kay Atty. Felipe Jessie Jimenez, agent-on-case ng NBI Bicol.
Inimbitahan na ang pamilya ng tatlo para makuhanan ng DNA samples para makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan.
Ang biological mother ni John Paul, sinabing dalawang-buwang-gulang lang ang anak nang ipinaampon niya sa hangaring mabigyan ang bata ng magandang buhay.
"Halos gabi-gabi nagdadasal talaga ako simula nung mangyari. [sabi ko,] 'Diyos ko, sana kung nasaan man ang anak ko, sana maisip nila ang ginawa nila sa anak ko,'" ayon sa ginang.
"Kahit wala na po ang anak ko, mahal na mahal ko po siya. Kasi sa akin siya nanggaling. Sana maging maganda ang resulta ng kaso," dagdag niya.
Ayon sa pulisya, nasa 27 miyembro at tagasuporta ng Concepcion Criminal Group ang sumuko na matapos na mapatay ang kanilang lider.
BASAHIN: Most wanted person ng Bicol, patay nang maka-engkuwentro ang pulisya sa Parañaque
Pinayuhan ni Police BGen. Andre Dizon, Regional Director ng PNP Bicol, ang iba pang miyembro ng grupo na kusa na lamang sumuko.
Napatay ang lider ng grupo na si Gilbert Concepcion, noong nakaraang Enero sa Parañaque matapos lumaban sa mga awtoridad na magsisilbi sa kaniya ng arrest warrant.-- FRJ, GMA Integrated News