Tinutugis ngayon ang isang lalaki na bukod sa hindi nagbayad ng kaniyang order, tinangay pa ang cellphone ng isang delivery rider sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, nahuli-cam ang suspek na tumatakas sa bubong ng isang bahay matapos habulin ng pulisya.

Ayon sa kanilang imbestigasyon, nag-order ng pagkain ang lalaki, ngunit pagkarating ng delivery rider, sapilitan niyang kinuha ang pagkain ngunit hindi nagbayad.

Nabawi ng rider ang pagkain, ngunit kinuha rin ng lalaki ang kaniyang cellphone.

Nagbanta pa ang suspek na papatayin niya ang rider kung susundan siya nito.

Maliban sa insidente, napag-alaman ding inirereklamo ng kaniyang mga kapitbahay ang lalaki dahil sa pagnanakaw umano sa kanilang mga alagang manok.

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa suspek. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News