Pumanaw na ang limang taong gulang na batang nasugatan sa pagsabog sa isang pagawaan ng paputok sa Cabuyao, Laguna, ayon sa Cabuyao local government unit nitong Sabado.
Ayon kay Aris Mane, chief information officer ng Cabuyao LGU, nagawa pang mailipat ang bata sa isang ospital sa Quezon City pero binawian din ito ng buhay.
Sa ngayon, umakyat na sa lima ang patay sa naganap na pagsabog nitong Huwebes.
Nangyari ang sunog sa pabrika ng fireworks sa Barangay Bigaa.
Dalawa ang unang naiulat na namatay, at anim ang sugatan, kabilang ang bata.
Nitong Biyernes, umakyat ang bilang ng namatay sa apat, ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A).
Kinilala ang mga biktima na sina John Ronald Gonzales Deduro, 23; Marvin Lamela Ocom, 27; Ricardo Olic-Olic, 51; at Bebot Reymundodia, 44.
Bagamat may mga permit ang nasabing pabrika, hindi ito ang unang beses na nagkasunog dito. Wala namang namatay sa nakaraang insidente.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente. —KG, GMA Integrated News