Napalitan ng pag-aalala ang tuwa ng isang pamilya nang makapulot sila ng tuta sa Mangaldan, Pangasinan matapos silang pagkakakagatin nito. Namatay ang tuta at nagpositibo sa rabies.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, ikinuwento ni Gennylyn Molina, ng Barangay Navaluan, na nakita niya ang tuta sa daan na kaniyang pinulot at iniuwi sa bahay dahil sa awa.
"Parang nakokonsenya ka kasi naiwan doon sa daan," sabi Gennylyn.
Sabi naman ng kaniyang ina na si Loisa, tuwang-tuwa ang kaniyang mga anak sa tuta na problema pala ang ibibigay sa kanila.
"Pinapakain namin, pinapaliguan, ok naman siya. Pero may time talaga siyang nangangagat ng kung ano-ano," kuwento ng ginang.
Unang kinagat umano ng tuta ang padre de pamilya sa bahay na si Aniceto, at sumunod si Loisa, ang dalawa nilang anak, at isang apo.
Nangyari umano ang insidente sa magkakaibang araw.
Pero bago pa makagat ang limang miyembro ng pamilya Molina, napag-alaman ng barangay na may mag-lola na nauna na nitong nakagat.
Namatay kinalaunan ang tuta kaya ipinasuri ito sa laboratoryo at doon nakumpirma na positibo ang hayop sa rabies.
Binakunahan na ng pangontra sa rabies ang mga nakagat, maging ang ibang aso sa lugar.
Pinaigting naman ang barangay ang kampanya nito kontra sa rabies kaya inaatasan ang mga residente na dapat itali ang kanilang mga alagang aso para hindi sila magmulta.
Puspusan din ang pagpapabakuna sa mga aso sa iba't ibang barangay sa bayan para pa rin malabanan ang rabies.--FRJ, GMA Integrated News