Nasawi ang isang 60-anyos na ginang matapos siyang mabundol at takbuhan ng isang SUV sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Fe Dela Cruz, residente ng Barangay Talang.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na lumabas ng bahay ang ginang kasama ang anak para bumili ng pandesal sa panaderya na malapit lang sa kanila.

Halos nakatawid na umano ang biktima nang salpukin ito ng SUV. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang ginang ng ilang metro.

Isinugod sa ospital si Dela Cruz pero hindi na siya umabot ng buhay.

Hindi naman huminto ang SUV para tulungan ang kaniyang biktima.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, mabilis ang takbo ng SUV.

Nanawagan ang mga kaanak ng biktima sa driver ng SUV na sumuko na at panagutan ang nangyari kay Dela Cruz.

Ayon sa pulisya, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa pagtukoy sa pagkakakilanlan sa driver ng SUV.

Mayroon umanong saksi sa nangyaring krimen at nakuhanan din ng CCTV camera ang sasakyan. -- FRJ, GMA Integrated News