Patay ang tatlong sakay ng motorsiklo matapos silang sumalpok sa kasalubong na van sa Naguilian, La Union. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, kinilala ang mga nasawi na sina Graymark Carpio, Rogen Bicera, at Alyson Madayag, mga residente ng bayan ng Bauang.

Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay Ortiz, mapapansin na tila may "spark" na nanggaling sa motorsiklo bago sila napunta sa kabilang linya ng kalsada kung saan nila nakasalpukan ang van.

"Malakas [ang bangga], pumutok ‘yung airbag ng van. Hindi niya napansin [yung motor], tumatakbo siya sa linya niya [at] bigla na lang sumalpok ‘yung motor," ayon kay PCMS Raymond Laron ng Naguilian Police Station.

Ayon sa pulisya, galing sa birthday party ang mga biktima at pauwi na sa Bauang nang mangyari ang trahedya.

Nagbigay na ng tulong pinansiyal ang driver ng van sa mga pamilya ng mga nasawing biktima.

Hinigpitan naman ng pulisya ang patakaran na bawal ang mga motorsiklo sa paggamit ng inner lane sa mga national highways.--FRJ, GMA Integrated News