Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 36-anyos na American citizen matapos na maaksidente habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Naga City, Camarines Sur.

Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nangyari ang insidente sa Amelda Highway sa Barangay Concepcion Grande sa nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Police Staff Master Sergeant Tobias Bongon, spokesperson ng Naga City Police Office (NCPO), lumitaw na unang tumama sa road barrier ang motorsiklo at napunta sa linya na tinatahak ng double-decker truck na papunta sa Laguna.

Nagtamo ng pinsala ang ibababang bahagi sa harap ng truck dahil sa lakas ng pagbangga ng motorsiklo ng biktima.

Ayon sa sakay ng truck na si Justin Dave Abella, nakarinig siya ng malakas na ingay sa ilalim ng truck at nang tingnan nila ay nakita nila ang biktima.

Inaalam pa kung nakainom ang dayuhang rider, habang dinala sa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck. --FRJ, GMA Integrated News