Isang bangkay ng lalaki na walang ulo ang natagpuan sa isang tubuhan sa Sagay, Negros Occidental. Ang biktima, napag-alaman na naki-fiesta at nakipag-inuman bago mangyari ang krimen.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Joel Lacao-lacao, 30-anyos.

Nakita ang kaniyang bangkay sa tubuhan sa Barangay Poblacion Dos sa Sagay City noong Linggo. Pero hindi pa rin umano nahahanap kung saan itinapon ng salarin o mga salarin ang kaniyang ulo.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo sa fiesta at nakipag-inuman ang biktima. Madaling araw na umano ito nang umalis sa inuman para umuwi ngunit hindi na siya nakarating sa kaniyang bahay.

Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang mga huling nakasama ng biktima, maging ang kaniyang mga nakainuman.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.--FRJ, GMA Integrated News