Nasawi ang isang Indian national matapos siyang pagbabarilin ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Midsayap, Cotabato.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing sakay ng motorsiklo ang biktima at kasama niya nang sundan sila ng mga suspek.

Nang abutan, pilit na kinukuha ng isa sa mga suspek ang sling bag ng biktima. Pero nakipag-agawan ang Indiano at doon na siya binaril ng salarin.

Sugatan din sa nangyaring insidente at dinala sa ospital  ang angkas ng biktima.

Patuloy naman na tinutugis ng mga awtoridad ang mga salarin na tumakas matapos ang krimen.-- FRJ, GMA Integrated News