Nahaharap sa reklamo ang isang tricycle driver matapos niyang i-harass umano at ayain ng "date" ang kaniyang babaeng pasahero sa Naga City, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang video ni Rain Reyes na kinakausap siya ng inireklamo niyang tricycle driver.
Dahil siya lang ang pasahero sa tricycle, hindi niya naiwasang kabahan dahil sa mga sinabi ng driver.
“Malapit na ang February 14, mag-date tayong dalawa. Gusto mo mag-date tayong dalawa?” pag-aya sa kaniya ng driver.
“Anong hinahanap mo sa lalaki, guwapo? Mayaman? Huwag kang maghahanap ng guwapo, lolokohin ka lang niyan,” sabi pa sa kaniya ng driver.
Sinabi ni Reyes na may mga pasahero pa umano na pumapara sa tricycle, ngunit hindi na ito pinasakay ng driver.
Hinawakan pa raw siya ng driver sa kaniyang balikat. At noong nasa babaan na, muntik pa siyang ilampas ng driver.
“Nagpa-panic po talaga ako, hindi ko alam ang gagawin ko. Pero talaga pong na-invade ang personal space ko roon sa tricycle noong nag-reach out na ‘yung hand niya rito sa may shoulder ko. Doon ko na naisipan mag-video,” sabi ni Reyes.
Nakunan ni Reyes ang body number ng tricycle kaya agad itong natunton ng mga awtoridad matapos siyang mag-report.
Ang ama mismo ni Reyes ang humarap sa inirereklamong driver na kinilalang si Allan Bautista.
“Kung ano man ang maging desisyon ng anak ko, pasensiyahan na lang tayo,” sabi ng ama ni Reyes.
Humingi naman ng tawad si Bautista sa kaniyang ginawa, at sinabing nagbibiro lamang siya, ayon sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV.
“Kaya kung bibigyan pa ako ng pagkakataon, magbabago na po ako,” sabi ni Bautista.
Sinabi ng Public Safety Office na nilabag ng driver ang Safe Spaces Act, at maaari siyang mapatawan ng revocation ng kaniyang lisensiya at ang prangkisa ng ginagamit niyang tricycle. -- FRJ, GMA Integrated News