Namatay ang isang lalaki sa Paniqui, Tarlac matapos matuklaw ng cobra, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Kuwento ng ama ng biktima, natuklaw sa paa ang 27-anyos na si JR Bungay nang umihi siya sa labas ng bahay.

Nadala pa sa ospital si JR pero namatay din siya kinalaunan.

Matapos ilibing si JR ay tumawag ng snake rescuer ang kaniyang pamilya. Nahuli nila ang cobra na limang talampakan ang haba. Isinilid ang ahas sa sako at pinatay.

Sabi ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), labag sa batas ang pagpatay sa wildlife animals maliban lang kung nalagay sa alanganing sitwasyon ang nasa paligid nito.

Paalala ng PENRO, hangga't maaari kapag nakahuli ng ahas ay i-surrender ito sa kanilang tanggapan. —KBK, GMA Integrated News