Arestado ang dalawang lalaki sa Naga City, Cebu dahil sa pagtangay umano at panggagahasa sa magkapatid na babae na edad 11 at 14. Depensa ng mga suspek, karelasyon nila ang mga biktima.

Sa ulat ni Guam Logroño sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing edad 19 at 18 ang mga suspek na gumahasa sa mga biktima sa Barangay South Poblacion.

Lumalabas sa imbestigasyon na tinangay ng mga suspek ang magkapatid at dinala sa isang barung-barong mula pa noong Linggo.

 

 

Depensa naman ng mga suspek, kusang sumama sa kanila ang magkapatid na karelasyon umano nila.

Handa naman daw silang panugutan ang ginawa nila sa magkapatid na menor de edad.

Nahaharap ang dalawang suspek sa reklamong statutory rape.-- FRJ, GMA Integrated News