Patong-patong na asunto ang haharapin ng isang lalaki na bukod sa sangkot sa love scam, inaresto rin dahil sa estafa matapos umanong hindi mag-remit sa kita ng pinagtatrabahuhang bakery sa Baguio City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Jeffrey Obelio, na agad nilapitan ng intelligence operatives ng Regional Special Operations Group ng NCR Police at inaresto sa bisa ng warrant of arrest pagkalabas niya ng bahay sa Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Police Captain Arniel Buraga, Intelligence Chief ng RSOG-NCRPO, manager ang suspek sa isang sikat na bakery sa naturang lungsod na pinagkatiwalaan ng may-ari.
Gayunman, hindi nag-remit ang suspek ng kaniyang sales ng limang buwan at nakakuha ng halos P1.2 milyon.
Ang NCRPO ang nagsagawa ng operasyon dahil may hiwalay pa siyang reklamo sa Quezon City na may kinalaman naman sa love scam.
Nambibiktima din umano si Obelio ng mga miyembro ng LGBT community at mayayamang biyuda.
"Front niya lang 'yung pagiging manager. Ang binibiktima niya talaga 'yung mga LGBT na vulnerable. Kinukuhaan niya ng mga pera, alahas at 'yung condo. 'Pag nag-trust na sa kaniya, nililimas niya 'yung mga gamit. Marami siyang biktima mula Cordillera hanggang Central Luzon. Pati dito sa NCR may mga karelasyon siya na pinagnanakawan niya rin dito sa Quezon City," sabi ni Buraga.
Kinuha na ng Baguio City Police at dinala sa Baguio ang suspek para harapin ang kaniyang mga kaso.
Wala siyang ibinigay na pahayag. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News