Sa ulat ng 24 Oras, sinabing aksidenteng nakainom ng food grade lye ang estudyanteng si "Jenny," hindi niya tunay na pangalan, matapos kumuha ng tubig sa kanilang ref noong 2019.
"'Yung tita niya gumagawa siya ng kutsinta, tapos inilagay niya ang lye water sa bottle. Tapos 'yun pala ang nainom niya. Nasunog 'yung esophagus niya," sabi ni Ana Marie Furton, ina ni "Jenny."
Sa kabutihang palad, nakaligtas si Jenny, ngunit kinailangan siyang lagyan ng gastronomic tube upang makakain.
Dahil dito, gatas na may am o sabaw ng sinaing na kanin muna ang pagkain ni Jenny sa loob ng apat na taon.
"Malungkot kasi 'yung mga kaklase ko nakikita ko silang kumakain tapos ako, wala," sabi ni Jenny.
Dalawang klase ng lye water ang kadalasang ginagamit, isa na rito ang ginagamit sa paggawa ng industrial cleaners tulad ng mga sabon. Isa pang uri ng lye water ang food grade na madalas na sangkap sa pagluluto ng ilang kakanin upang lumagkit.
Gayunman, may tamang dami lang ng food grade ang maaaring kainin dahil maaari itong makasama sa kalusugan.
Idinulog ni Dr. Mario Eric Alerta, surgeon sa Sorsogon Provincial Hospital, ang bata sa GMA Kapuso Foundation dahil hindi kaya ng pasilidad ng ospital sa Sorsogon ang kaso ni Jenny.
Ayon kay Dr. Alerta, sasailalim si Jenny sa major operation, kung saan maraming kailangang bantayan sa kaniya.
"Ang operation is to cut the esophagus and to pull the stomach up para madugtong ulit 'yung esophagus to the intestine," sabi ni Dr. Alerta.
Sa mga nais tumulong kay Jenny, tumatanggap ang GMA Kapuso Foundation ng mga donasyon sa mga bank account, Cebuana Lhuillier, GCash, Shopee, PayMaya, Zalora, MegaMart, Globe Rewards, Metrobank credit card, at Lazada.
Para sa mga karagdagang impormasyon, bumisita sa GMA Kapuso Foundation website. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News