Nasawi sa pamamaril ang isang konduktor ng bus na nagtangkang mamagitan sa girian ng kaniyang driver at isang rider ng motorsiklo na kamuntik nilang masagi sa Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente nitong Huwebes ng gabi sa Barangay Sta. Catalina sa Candelaria, Quezon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, mula sa Maynila ang bus na papuntang Leyte nang muntik nitong masagi ang isang nakatigil na motorsiklo sa gilid ng daan sa nasabing barangay.
Hinabol ng rider ang bus at nang abutan, bumaba ang konduktor para mamagitan para sa kaniyang driver.
"Nagulat or nabigla itong suspek natin, so hinabol niya itong bus. Dumating sa point na for almost one kilometer na paghabol niya doon sa bus," ayon kay Candelaria Police chief Lieutenant Colonel Bryan Merino.
"Itong si konduktor, bumaba. Then, he wants to pacify the two. Hindi din natin masabi kung nagkaroon ng pagsasagot or mga salitang nabitawan ng both," dagdag niya.
Nagtamo ng mga tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang konduktor, habang ligtas naman ang driver.
Patuloy na hinahanap ang suspek na tumakas matapos gawin ang krimen. —FRJ, GMA Integrated News