Binaril at napatay sa bangketa ang isang babae sa Tagum City nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad na makikipagkita umano ang biktima sa isang abogado para iproseso ang refund sa ibinayad nito sa annulment case niya na hindi umusad.
"May na-recover kasi kami na document na nagki-claim siya ng refund sa kaniyang processing kasi hindi na-process pero fully paid na siya," ayon kay Tagum Police Officer-in-Charge Police Major Jeffrey Latayda.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing isang dating overseas Filipino worker ang 29-anyos na biktima.
Dalawang tama ng bala ang tinamo niya, at nakatakas ang salarin.
Aalamin ng pulisya kung may kinalaman sa krimen ang annulment case at kakausapin ang dati nitong mister.
Sinabi naman ng pamangkin ng biktima na wala silang alam na away ng dating mag-asawa na may kaniya-kaniya na ring pamilya.-- FRJ, GMA Integrated News