Sugatan ang 14 na sakay ng isang pampasaherong van matapos na mahulog sa gilid ng kalsada sa Camarines Sur. Ang driver ng van, bigla raw lumabo ang paningin.

Sa ulat ni Cris Nobelo sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Mambulo Nuevo sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na bigla umanong lumabo ang paningin ng driver kaya sinubukan niyang itinabi ang sasakyan. Pero nang magpreno siya, nawalan na raw siya ng kontrol sa manibela hanggang sa mahulog na sila sa gilid ng daan na hanggang baywang ang lalim.

“Bale po ‘yung tatlo [na pasahero], may injury talaga sa mukha pong part. ‘Yung iba dito rin sa may puro mukha, tapos ‘yung iba sa may tuhod," ayon kay Richard Carullo na kagawad ng barangay.

Dinala sa pagamutan ang mga biktima at nagpaalala naman ang pulisya na tiyakin nasa kondisyon ang sasakyan at pati na ang driver. --FRJ, GMA Integrated News